Bakit Kailangan ng Early Intervention sa mga Batang may Autism?

Ang mga batang may Autism Spectrum Disorder (ASD) ay lalong dumarami. Ang latest na mga talaan ng research sa buong mundo ay mayroong isang batang may ASD sa bawat 88 to as high as 1 for every 68 kids. Nakababahala po ito at wala itong pinipiling bansa o lahi man. Sinasabing ito ay maaring dahil sa mga modern diagnostic at evaluation methods kaya padami na ng padami ang mga bata at maging mga matatanda na nakitaan ng mga sintomas at na diagnose na mayroong ASD. Dahil dito, maraming mga gobyerno sa buong mundo ang nais tugunan ang sitwasyong ito sa kani-kanilang bansa.
Iba iba po ang pananaw kung papaano tutugunan ng mga magulang, pamayanan at mga gobyerno ang mga taong may ASD. Maraming mga global movements, civic organizations at charitable institutions na inilunsad upang tulungan ang mga magulang na may anak na ASD. Sila ay nagbibigay ng kaalaman at information upang maunawaan ng marami ang mga taong may ASD.
Mahalaga ang mga support groups at asssitance na ito dahil sa mga suliraning kaakibat ng ASD sa pamilyang apektado. Subalit hindi na natin kailangan lumayo pa dahil tayong mga magulang ng mga batang may ASD ang may sapat na kakayahan at pananagutan upang matulungan ang kanilang kundisyon. Nasa kamay po ng mga magulang ng batang may ASD ang kapangyarihang baguhin ang sitwasyon ng mga anak nila.
Ang tinutukoy ko po ay ang konsepto ng Early Intervention o ang maagap paghahanap ng solusyon upang ma improve ang kalagayan ng mga batang may ASD. Napanatunayan na sa mga research ng maraming mga magulang at bata sa iba’t ibang bansa na ang mas maagang pagkaroon ng pakikiaalam (early intervention) sa kanilang sitwasyon ang isa sa pinakamagandang paraan upang mag improve ang kanilang future bilang isang miyembro ng lipunan.
Mga kailangang gawin bago ang early intervention
Subalit bago tayo sumuong sa early intervention, ay kailangan munang ma-establish ang kalagayan ng inyong anak pati ang kahandaan ng magulang sa mabigat na pagsubok na ito. Para maging epektibo ang Early Intervention sa kanila, kailangan po natin ang dalawang bagay:
Una – Early Detection – ito ang maagang pagkunsulta sa doctor or specialist upang masuri ang inyong anak at ma diagnose ng ASD. Ang autism ay maari na ngayong ma detect as early as 18 months of age o sa loob ng isang taon at kalahati.
Pangalawa – Early Acceptance – ito ang pinakamabigat sa lahat ng aspeto ng pagkakaroon ng anak na may autism. Dahil sa stigma ng ASD sa lipunan, nahihirapan ang mga magulang na tanggapin ang kalagayan ng kanilang mga anak dahil sa kahihiyan at pangungutya na nakakabit nito. At dahil hindi matanggap ng mga magulang ang kanilang sitwasyon, hindi natutuloy ang mga kailangang intervention sa kanilang anak na nakapag papalala sa kundisyon nito.
Importante ng magawa ng mga magulang ng batang may ASD ang dalawang aspeto na ito upang makapag patuloy ang maagap na pakikialam sa kanilang mga anak ng mga experto at doctor na makakatulong sa kanila.
Bakit po kailangan ang Early Intervention?
Marami na pong pananaliksik at pag aaral na ginawa sa ibat ibang parte ng mundo na nakapagpatunay na kapag nabigyan ang mga batang ito ng maagang autism-appropriate education, therapies at support ay lumalaki ang chance na madevelop nila ang mga social and life skills na kailangan upang mabuhay sila ng matiwasay, maayos at tanggap ng lipunan. Dahil sa mga early detection and intervention, marami na rin sa mga batang may ASD ang natutong mag aruga sa kanilang saril, makapag aral ng maayos, makapasok na maayos sa trabaho at higit sa lahat ay makapagpamilya or makapamuhay ng mag-isa tanda ng pagpasok nila at pagtanggap sa kanila ng normal sa lipunan.
Dahil kalimitang mabigat po ang pag aalaga sa mga taong may ASD, importante na matulungan ang taong ito habang bata pa lang upang hindi sila lalong maging pabigat sa kanilang pagtanda. Mahalagang maunawaan ito ng lahat ng magulang ASD upang hindi maging huli ang lahat. Karamihan sa mga batang may ASD na hindi nagkaroon ng early intervention ay nahuhuli ang pangkalahatang development bilang isang individual at ito’y nagdudulot ng maraming suliranin sa kanilang pamilya at pamayanan.
Ano po ba ang mga ginagawa sa Early Intervention?
Ang early intervention ay mga hakbang o pamamaraan upang matulungan ang mga batang may ASD na maihanda silang matanggap at makapasok sa lipunan. Ang mga gawaing ito ay subok ng nakakatulong maisaayos ang anumang depektibo at kakulangan sa development ng mga batang may ASD na ginagawa sa mga child development centers sa buong bansa.
Kasama dito ang mga sumusunod:
- Initial Assessment or Evaluation – kapag ang bata ay na diagnose na may ASD ng dalubhasa kagaya ng mga duktor, nangangailangan din itong dumaan sa pagsusuri at pag aanalisa ng mga therapist upang malaman at matugunan ang mga kailangang intervention sa mga ito. Nangangailangan itong ma-assess ng maigi upang malaman ng mga therapist kung nasaang stage ng development ang inyong anak para mailapat ang tamang intervention sa kanila.
- Therapies – ang therapy sa mga batang may ASD ay karaniwang ginagawa upang ma improve ang pag galaw (motor skills), pakikisalamuha sa iba (social skills), pagsasalita (speech), pagkakaroon ng kakayahang pangalagaan ang sarili (life skills) at iba pang developmental needs. Ito ay nangangailangan ng tuloy tuloy na pag aaruga hindi lang sa mga therapy center kundi maging sa kanilang tahanan. Ang mga therapists ay nagiging katuwang ng magulang sa araw araw na mga gawain upang mabago ang bawat aspeto ng buhay ng mga bata kagaya ng mental, physical, social pati na rin spiritual development nito.
- Individualized Education Program (IEP) – hindi lahat ng may ASD ay pareho pareho ang pangangailangan. May mga batang may bahagyang sintomas ng ASD ng nangangailan rin ng banayad na pakikiaalam at mayron din namang may mga malalang kundisyon na nangangailangan ng mas ibayong pagaaruga at gabay. Dahil dito, ang mga batang may ASD ay kailangan gawan ng pansariling pagtuturo at kasanayan na naaayon sa assessment at evaluation sa kundisyon ng bata. Ang mga individualized programs na ito ay dapat nakatuon kung paano mapapaunlad ang pag develop ng mga bata sa lalong madaling panahon.
- Progress Monitoring and Reporting – upang mas maging epektibo ang pagkakaroon ng early intervention, nangangailangang masubaybayan ang pagsulong at pagunlad ng development ng mga bata. Magkakatulong dito ang mga therapists, magulang, mga experto kagaya ng psychologists, doctor at pati ang administration ng mga centers kung saan ginagawa ang intervention. Ito’y kalimitang ginagawa sa mga pagpupulong at feedback systems upang malaman kung ang intervention ba ay nakakatulong sa bata o hindi o kung kailangan magkaroon ng adjustment dito.
Kung magawa natin ang nasa itaas, importante na tuloy tuloy itong maisakatuparan hanggang sa panahong maari na silang maka survive sa lipunan. Ang tuloy tuloy na intervention ay mahalaga upang hindi masayang ang panahon at salapi na inilaan para dito dahil kung ito ay mapuputol ay mataas ang tsansang mag-regress or bumalik sa dati ang kalagayan ng inyong mga anak.
Di Tayo Dapat Mawalan ng Pagasa
Kung kayo ay may anak na may ASD, wag po tayong mawalan ng pag asa. Totoong napakahirap itong tanggapin at lahat yata ng magulang na aming nakausap ay hindi makapaniwala at matanggap kung bakit na nangyari ang ganito sa kanilang buhay. Subalit ito po ay hindi unique sa inyo lamang. Kagaya ng aming tinuran sa unang bahagi ng article na ito, ang mga taong may ASD ay laganap na sa buong mundo hindi lamang dito sa Pilipinas. At marami sa kanila ay natutong mabuhay ng maayos at naging kapakipakinabang sa lipunan dahil naagapan ang kanilang developmental needs.
Huwag din po nating sisihin ang ating mga sarili sa kanilang kalagayan. Huwag na tayong maghanap ng mga rason kung bakit nangyari ito sa ating mga anak dahil mahalaga ang bawat oras nila sa ngayon. Bagkus ay pagtuunan sila ng ibayong pagaaruga at pag sasakripisyo upang maging maayos ang kanilang paglaki. Habang maaga, habang bata at habang di pa huli ang lahat, humanap po tayo ng early intervention para sa kanila.
Ang mga makabagong pag aaral sa larangan ng intervention at therapies ay malaking tulong upang maisayos ang inyong anak. Marami na pong mga magulang ang nakapag patunay dito kagaya namin na may anak na may ASD na ngayon ay patuloy na umaayos ang development dahil sa early intervention.
About Us
Kagaya ng ibang mga centers dito sa buong bansa na umaaruga sa mga batang may ASD, kami po sa Marinny Center for Hope ay handang tulungan ang inyong mga anak madevelop ang kanilang kakayanan at kasanayan para makapamuhay sila ng normal at may dignidad sa ating lipunan. Ang amin pong adhikain at misyon ay mapawalan ng maayos (launch) sa lipunan ang mga batang aming inaaruga ng may malasakit at pagsusumikap.
Naway nabigyan namin kayo ng konting kaalaman at katiwasayan. Mag-usap po tayo kung kinakailangan. Maari po kayong dumalaw sa aming center o tumawag kay Marissa sa 0917-543-9163 para sa schedule for meeting. Maraming salamat at magandang araw po sa inyo.